Sulat. Basa.
Bura. Sulat.
Hindi talaga
consistent ang mga manunulat. Bura dito, singit doon. Totoo naman. Hindi
sila nakukuntento hangga’t hindi nila nararating ang rurok ng kanilang
satispaksyon. May ugali kasi ang isang manunulat na binabasa niya ang kanyang
sinusulat nang paulit-ulit. Hindi na mawawala ‘yun sa pagiging manunulat.
Seryoso. Mayroon pa ngang nakakailang bato ng papel sa basurahan dahil ‘di nila
mahanap ‘yung kakuntentuhan, mali, ‘yung satispaksyon nila. ‘Di ba? Hindi
talaga consistent ang mga manunulat
Naalala ko,
dumalo ako sa Biyaheng Panulat na ginanap sa aking pamantasang pinapasukan ko ngayon
noong nakaraang taon. Dinaluhan ‘yun ng mga batikang manunulat sa larangan ng
Literaturang Filipino. At bilang isang batang manunulat, isang napakalaking
pagkakataon iyon upang makipagdaupang palad sa mga iniidolo mong kapwa
manunulat. Nagbigay ng mensahe ang isa sa mga bisita sa nasabing programa na si
Bob Ong. Nabanggit niya sa kanyang mensahe na nawa’y hindi mawala at patuloy na
magkaroon ng ‘kati’ ang mga batang manunulat na magsulat. Tinamaan ako.
Oo, tagus-tagusan!
Ilang linggo
ko nang tinatanong ang sarili ko kung bakit nga ba ako nasa ilalim ng kursong
Jornalismo. Unti-unting bumalik sa aking isipan kung paano ko unang minahal ang
pagsusulat kaysa sa mga ibang artes. Tinanong ko rin ang sarili ko na kung
mahal ko ang pagsusulat, bakit ako nagdududa? Mali nga ba ako ng desisyon at
pagpili sa kanya?
Elementarya
pa lang ako, nasa puso ko na ang pagsusulat. Sariwa pa rin aking sa alaala,
nu’ng nasa Ikalimang Baitang ako, sinubukan kong sumali sa organisasyon ng mga
Jornalista. ‘Yun ang una kong subok kaya ginawa ko ang makakaya ko. Pero alam
kong hindi pa ‘yun ang best ko. Nilabas ang resulta ng mga nakapasa. Sa
kabila ng hindi ko pagbibigay ng buong sarili ko, kampante akong makukuha ko
ang isang puwang sa kanya dahil isang linggo akong pinuri ng tagapayo ng
organisasyong ‘yun. Pero kabaligtaran ang nangyari. Hindi ako nakapasa.
Nakakadismaya. Nakakapanghina ng loob. Sinumpa ko sa sarili ko makakapasok din
ako.
Dumaan ang
ikaanim na baitang. Ang pagtatapos. Wala pa rin. Ikaunang taon ko noon sa
sekundarya nang subukan kong makipaglaban muli para sa kanya. Hindi pa rin ako
pinalad. Pakiramdam ko ay nasayang na naman ang isang taon ko na sa halip ay
nagsasanay na sa pagsusulat kasama ang iba pang may gusto sa kanya. Ang plumang
matinta ay naging tigang at tuyo. Naisip ko, isang araw, hindi ko kailangang
maging miyembro ng organisasyon para masanay ang aking kaalaman sa pagsusulat.
Oo, susubukan ko pa ring sumali pero ‘pag handa na talaga ako at alam kong
karapat-dapat ako para sa kanya. Hindi ko sasayangin ang isang taon ko.
Magsasanay ako sa sarili ko.
Dalawang
beses sa isang linggo kung bumisita ako sa aming silid-aklatan. Hindi para
magbasa o humiram ng libro, kundi para makinig ng lektura ng mga pagsasanay ng
aming Campus Journalists. Nagsimula iyon nu’ng sinubukan kong tumingin
ng libro tungkol sa Jornalismo, kaso sabi nu’ng librarian namin
ginagamit daw nu’ng mga Campus Journalist. At natuklasan ko na sa
pagitan ng mga lalagyanan ng mga libro ang mundong magdudugtong sa aming dalawa
– ako at ang pagsusulat.
Dalawang
taon kong ginawa ang prosesong ‘yun. Buti na lang at ‘di ako nahahalata at
nahuhuli. Bukod sa pagsasanay na ‘yun ay tumitingin rin ako sa internet
para sa karagdagang kaalaman. At ang nagsisilbing aplikasyon ko ay tuwing may
aktibidad o asignatura kaming pagsulat ng sanaysay o ‘di kaya’y may patimpalak
sa pagsulat ng sanaysay sa loob ng paaralan. Banned ang mga Campus
Journ sa mga ganoong patimpalak kaya iniisip kong may pag-asa akong manalo.
Training ground kumbaga.
Dumating ang
ikatlong taon ko sa hayskul, dito ko na ipinasyang subukan muli ang aking
kakayahan at ipaglaban siya. Dumating ang araw ng try-out. Ginamit ko
ang mga natutunan ko at sa pagkakataong ito, ibinigay ko ang buong sarili ko.
Isang linggo pa raw bago malaman kung sino ang mga pumasa. Nag-antay ako.
Lumipas ang isang linggo. Nawala ang listahan. Anak ng tikbalang! Anong
nangyari? Halos gumuho ang mga pangarap ko at gusto ko na silang isumpa lahat.
Nagtanong ako kung may try-out ulit. Wala na raw panahon kaya pumili na
lang sila sa mga top student ng aming
klase. Malapit na raw kasi DSSPC, isang patimpalak na kinabibilangan ng mga
mahuhusay na manunulat sa buong lungsod. Ang dating sa’kin ay para akong fetus
na ipinagkaitan ng karapatang mabuhay. Napakadaya ‘di ba? Napaka-unfair.
Sinumpa ko
ang batch na ‘yun. Hindi ko matanggap na kailangan ko pang maghintay ng
isa na namang taon bago sumubok muli. Asar! Pero sige na nga, huli naman na.
Sumubok ako sa huling pagkakataon, at ang paksa – ipagmalaki mo ang probinsya
mo. Aba matindi talaga! Ni hindi pa
nga ko nakakarating du’n eh. Kapag minamalas ka nga naman. Bahala na nga.
Kinuwento ko na lang kung ano ‘yung mga naririnig ko sa Kuya ko. Anuman ang
mangyari, tatanggapin ko kung ano ang magiging resulta. Ang mahalaga, ginawa ko
ang lahat para ipaglaban siya at ibinigay ko nang buong-buo ang sarili ko sa
kanya. Oo, nawalan ako ng tiwalang makakapasa ako. Pero tulad ng inaasahan,
kagaya ng mga cliché sa mga teleserye, oo, nakapasa ako. Siguro nga ito
‘yung sinasabi nilang, “It’s worth the
wait.”
Sinulit ko
ang pagakakapasok ko, ninamnam ko ang bawat oras na kasama ko siya, nagsanay
ako sa silid-aklatan na kasabay siyang kumain, sinusulit ang lamig na dala ng aircon
at natutulog o ‘di kaya’y naglalaro ng board games na kasama siya. Ganito ang pagsasanay
namin sa dalawang buwan, kakaiba. Pero nakatulong ito sa’kin, ito ang tumulong
sa akin upang bumalik ang tiwala ko sa kakayanan kong magsulat.
Lumaban ako.
Nakipagsapalaran sa totoong laban. Natalo. Nadapa. Tumayo. Nanalo. Dito ko
minahal nang lubos ang pagsusulat.
Nagtapos ako
ng sekundarya na may uwing diploma at plumang hindi nakikita. Pumasok sa
kolehiyo na may baong mga pangarap na muntikan nang hindi matuloy. Nag-enroll
ako sa Sintang Paaralan na Accountancy ang kukuning kurso. Desidido ang
isipan kong kunin ang kursong pilit kong pinili. Pero sa huling dalawang
minuto, nagbago ang paninindigan ko. Kailangan kong sundin ang gusto ng puso ko
kundi alam kong pagsisisihan ko ‘to. Tinawagan ko ang nanay ko para sabihin ang
aking pasya. “Sige ‘Nak, kung saan ka magiging masaya, doon rin ako.”
Ito na ang nagtulak sa’kin upang talikuran ang kursong ‘di ko pinangarap at
balikan ang totoo kong hinahangad.
Balik tayo
kay Bob Ong, oo nga, tinamaan nga ako sa kanya. Nagkaroon kasi ako ng pagdududa
sa sarili ko. Pagdududa kung kaya ko ba talagang magsulat. Pagdududa kung mahal
ko ba talaga ang pagsusulat. Tinamaan ako ng katamaran sa pagsusulat dahil
kampante akong may maisusulat ako. ‘Yung dahil sa matinding katamaran, halos
halo-halo na ‘yung mga ideya at istorya sa utak ko. Parami nang parami hanggang
sa wala na akong masimulan at matapos. Naisip ko na kailangan ko nang kumilos
at magsulat nang magsulat.
‘Di ba
walang consistency ang mga manunulat? Pero joke lang talaga ‘yun.
Ang ibig ko kasing sabihin, hindi consistent ang isang manunulat
hangga’t hindi niya nailalabas o naipapahayag ang totoong siya, ang mga gusto
niyang sabihin. Hindi siya nakukuntento hangga’t ‘di niya nakukuha ‘yung
satispaksyon. Oo, merong nagsusulat para kumita, o kaya may pinaglalaban, o
dahil sa gusto niyang mapasaya ang mga mambabasa. Pero lahat ‘yun ay tumutukoy
sa iisang punto. Ito ay nagsusulat siya dahil may gusto siyang sabihin. Nagsusulat
siya dahil gusto niya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento