Linggo, Setyembre 7, 2014

Saglitang Pahinga

Kasabay ng mabilis na pag-andar ng sinasakyan kong jeep ang malamig na pagpunas ng hangin sa aking mga luha.

*flashback*

"Nakakasawa ka na Karding. Ako na nga ang naagrabyado, ako pa may kasalanan. Ako pa ang kailangang mag-sorry!" 'Di ko na napigilan ang emosyon ko. Kaya ayokong napipikon o napupuno eh, kung ano-ano nasasabi ko.

"Ano?" 'Yung totoo, hindi ba talaga niya alam o ayaw niya lang aminin sa sarili niya 'yung mali niya. Nakakasawa na talaga.

"Bahala ka nga, Karding. Napaka-insensitive mo!" Tumayo na ako mula sa aking pagkakaupo at tuloy-tuloy na walang lingong umalis. Dumiretso ako sa CR ng building na kinaroroonan ko. Pumasok ng isang cubicle at umiyak sandali. Ito lang kasi ang ayaw ko sa sarili ko, napakababaw ng mga luha ko.

Iuuwi at itutulog ko na lang 'to. Maayos rin naman siguro ang lahat. (Sana.)

*flashback ends*

At ito nga ako ngayon. Mag-isa kong tinatahak ang daanan ko pauwi. Nag-text siya, hinahanap na raw ako ng nanay ko.

"Pakisabi nasa byahe na 'ko. Salamat."

"Sige. Sensya na."

Ito na ang magic words na inaantay ko, humingi na siya ng pasensya.

"Pasensya na rin, Karding."

Naghintay ako ng ilan pang mga minuto, pero wala nang sagot mula sa kanya. Puro gm lang natatanggap ng cellphone ko. 'Di ko na matiis. Sige na, ako na mag-so-sorry.

"Sorry kanina. Sorry talaga. Sorry."

At muli kong ibinaba ang pride ko. Kasabay ng pag-send ng mensahe ko ay ang pag-istambay ng luha sa gilid ng mga mata ko. 'Di ko alam pero nalulungkot ako sa mga panahong 'yun. Ako lang ba ang nag-e-effort para lang mag-work ang relasyon namin? Ako lang ba o 'di ko lang napapansin na kumikilos din siya? Ewan ang gulo.

'Di na nagpapigil pa ang luha ko, Isa-isa na itong nagsilaglagan sa aking pisngi. Buti na lang at madilim ang kabuuan ng jeep at 'di halata ang basa kong pisngi. At buti na lang pinunasan ng malamig na hangin ang luha ko.

Nadudurog ako. Gusto nang pumikit ng mga mata ko. Mahapdi at pagod na. Nangagailangan ng pahinga. Pero pinipilit ko pa ring idilat.

Bumaba na ako. At muling sumakay sa isang tricycle. Nakasabay ko ang dati kong kaklase sa sekundarya na si Anthony. Medyo kabaliktaktakan ko rin 'to eh.

"Ang haggard na ba ng mukha ko?"

"Medyo. Itulog mo na 'yan, Pare."

"Oo nga eh, naiiyak na 'ko." Sabay punas sa luha kong nagbabadyang bumagsak.

"Easy-han mo lang kasi. Relax lang. Tingnan mo 'ko. Magpahinga ka rin kasi. Tingnan mo bukas, okay ka na." Dire-diretso niyang payo sa'kin habang nakatingin sa kawalan. Bakas sa kanyang mga mata na relax nga lang siya. Parang walang problema. O itinatago lang?

"De. Kaya ko pa naman. Papahinga lang ako saglit. Sige na, dito na 'ko. Salamat, ingat. Kuya, para po!" Nauna akong bumaba sa kanya at inisip ang mga pinagsasabi niya.

Tingnan mo nga naman, ito pa palang lokong 'to ang magpapayo sa'kin. Siguro nga, tama siya. Itutulog ko muna 'to.

Nakarating ako ng aming tahanan at sinalubong ng aking ina. Kinamusta ang aking araw at pinakain ako.

Natulog na ako pagkatapos ayusin ang mga bagay na ginagawa ko bago matulog. Alam kong sulit ang pagkakababa ko ng pride ko. May patutunguhan rin 'to.

Kinabukasan. Binugad ako ng isang makapagdamdaming mensahe.

"I love you so much, Baby. :'("



Note: Kwento muli na nabuo sa isipan ko. (:

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento