Huwebes, Agosto 21, 2014

"Umalis ka nga!"

Imbis na nagre-review ako ngayon ay nakatunganga ako sa screen ng laptop. Ayokong mag-review. Gusto kong magsulat. Wala naman kasing pumapasok sa utak ko kundi ang mukha niya.

Ayokong mag-review! Gusto kong isulat ang nararamdaman ko. ‘Di ko alam kung bakit ganito ang epekto niya sa’kin. Magkasama lang naman kami kanina, kahapon, nung isang araw, pero bakit ganito? Miss na miss ko na siya.

“I will always be yours forever and more through the push and the pull. I still drown in your love and drink 'til I’m drunk. And all that I’ve done, is it ever enough?”

Tss. Dumagdag pa ‘tong kantang ‘to sa blog ko. Mas lalo kong naramdaman ang pangungulila. Lahat ng mga alaala ng mga oras na lumipas kasama siya ay nagsibalikan. Para kong nanunuod ng sine sa isip ko. Ano ba? Midterm bukas tapos iba ang iniisip ko. Aba, magaling!

Sumakay ako ng bus pauwi ng hindi buo. Pakiramdam ko ay naiwan ang kalahati ko. Pagkaakyat ko ay umupo ako sa may bakanteng upuan na kita ko siya. Nagpaalam ako sa kanya sa pamamagitan ng pagsenyas ng kamay. Parang gusto kong bumaba. Kaso ayaw naman kumilos ng katawan ko. Hanggang sa wala na kong nagawa. Sinundan ko na lang siya ng tingin hanggang sa hindi ko na siya makita.. Ang hirap sa pakiramdam. Hindi ko maipaliwanag. Para akong ewan.

Sino ba naman kasi ang hindi mangungulila sa mga lambing – mahigpit na yakap, paghawak ng kamay at pagtitig sa’yo ng taong mahal mo ‘di ba? Ang hirap kasi ipaliwanag eh. Lalo na sa mga taong hindi in-love. Para akong naglalarawan ng kulay asul sa isang bulag. Napakahirap.

Ganito na lang. Nararamdaman mo pa rin ‘yung yakap kahit wala na. ‘Yung pakiramdam na ramdam mo pa rin ‘yung pagkakahawak niya sa kamay mo. At ‘yung mga kulitan niyo, naaalala mo lahat. O ‘di kaya, mag-i-imagine ka ng mga bagay na gusto mong mangyari.

Ang sarap siguro sa pakiramdam na siya ‘yung huli mong makikita bago ka matulog at ang unang taong makikita mo pagkagising mo. Tapos magkahawak kayo ng kamay habang tulog at pagkagising niyo magkahawak pa rin kayo ng kamay. Chill lang. Mangyayari rin ‘yan. Sa. Takdang. Panahon.

“Close your eyes, dry your tears. 'Coz when nothing seems clear, you'll be safe here...”

Lalo pang umapaw ang pangungulila. Kahit ipilit na ibaling ang isip sa iba at mas kailangang unahin ang mga bagay na dapat unahin ay pilit ring bumabalik ang pangungulila. Ayoko na nga. Sige, ire-review ko na lang ‘to. Kaya naman sigurong kontrolin. Siguro nga, hindi niyo ko maintindihan. Hindi niyo maintindihan kung ano-ano ba ‘yung mga sinasabi ko. Masasabing napaka-mushy naman o cheesy, wala eh. Maiintindihan niyo rin. Sa. Takdang. Panahon.

Patapos na ang kanta ng Rivermaya sa ikalabing pitong beses, (oo, binilang ko), ‘di pa rin ako nagre-review. Sige, iiwan ko muna ang kalahati ng puso ko. Alam ko namang iingatan niya ‘yan eh.


“Put your heart in my hands, you'll be safe here...”

(Base sa kwento ng kakilala ko. Nag-e-emote eh. O para sa'yo. (:)

2 komento: